 |
MENSAHE NG SANTO PAPA BENEDICTO XVI SA MGA KABATAAN NG DAIGDIG SA OKASYON NG IKA-XXIII PANDAIGDIGANG ARAW NG MGA KABATAAN, 2008
““Kayo ay tatanggap ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko” [Gw 1:8]
Minamahal kong mga kaibigang kabataan!
1. Ang ika-XXIII Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan
Lagi kong naalala nang may malaking kagalakan ang iba’t-ibang okasyong ating
pinagsaluhan sa Cologne noong Agosto 2005. Sa katapusan ng di-makalilimutang
pagpapakitang iyon ng pananampalataya at sigla na nananatiling nakaukit sa aking
diwa at sa aking puso, gumawa ako ng isang tipanan sa inyo para sa susunod na
pagtitipon na gaganapin sa Sydney sa 2008. Ito ang XXIII Pandaigdigang Araw ng
mga Kabataan at ang magiging paksa ay: “Kayo ay tatanggap ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at
kayo'y magiging mga saksi ko” [Gw 1:8]. Ang pinaka-paksa ng
espiritwal na paghahanda para sa ating pagkikita sa Sydney ay ang Espiritu Santo
at ang misyon. Noong 2006, itinuon natin ang ating pansin sa Espiritu Santo
bilang Espiritu ng Katotohonan. Ngayong 2007 naghahanap tayo ng mas
malalim na pag-unawa sa Espiritu ng Pag-ibig. Ipagpapatuloy natin ang
paglalakbay patungo sa Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan 2008 sa pamamagitan ng
pagninilay sa Espiritu ng Lakas at Pagsaksi na nagbibigay sa atin ng
tibay ng loob upang mamuhay ayon sa Ebanghelyo at ipahayag ito nang buong
tapang. Kaya naman napakahalaga na bawat isa sa inyong mga kabataan – sa inyong
mga pamayanan, at kasama yaong mga nangangalaga ng inyong edukasyon – ay
makapagnilay dito sa Pangunahing Kinatawan ng kasaysayan ng kaligtasan, ang
Espiritu Santo o ang Espiritu ni Hesus. Sa paraang ito ay makakamit ninyo ang
sumusunod na mga matatayog na layon: ang makilala nang tunay ang Espiritu,
unang-una sa pamamagitan ng pakikinig sa Salita ng Diyos sa Pagpapahayag ng
Biblia; ang magkamalay nang malinaw tungkol sa kanyang patuloy at masiglang
presensiya sa buhay ng Simbahan, lalo na habang inyong tinutuklas-muli na ang
Espiritu Santo ay ang “kaluluwa”, ang nagbibigay-hininga sa buhay Kristiyano, sa
pamamagitan ng mga sakramento ng Kristiyanong pagtanggap – Binyag, Kumpil at
Eukaristiya; ang lumago sa gayon sa pag-unawa kay Hesus na nagiging mas malalim
at mas masaya at, gayundin, ang isabuhay ang Ebanghelyo sa bukang-liwayway ng
ikatlong milenyo. Sa mensaheng ito, magalak kong inihahandog sa inyo ang isang
balangkas para sa pagninilay na maaari ninyong siyasatin dito sa taong ito ng
paghahanda. Sa ganitong paraan masusubok ninyo ang kalidad ng inyong
pananampalataya sa Espiritu Santo, masumpungan itong muli kung ito ay nawala,
palakasin ito kung ito ay naging mahina, namnamin ito bilang pakikisama sa Ama
at sa kanyang Anak na si Hesukristo, na isinasakatuparan sa pamamagitan ng di
maisasantabing gawain ng Espiritu Santo. Huwag ninyong kalimutan na ang
Simbahan, at ang buong sangkatauhan mismo, kasama ang lahat ng tao sa paligid
ninyo ngayon at yaong mga naghihintay sa inyo sa hinaharap, ay malaki ang
inaasahan mula sa inyong mga kabataan, sapagkat nasa loob ninyo ang
pinakadakilang handog ng Ama, ang Espiritu ni Hesus.
2. Ang pangako ng Espiritu Santo sa Biblia
Ang taimtim na pakikinig sa Salita ng Diyos tungkol sa misteryo at pagkilos ng
Espiritu Santo ay nagbubukas sa atin sa mga dakila at kinasihang kaisipan na
aking ilalagom sa mga sumusunod na puntos.
Bago ang kanyang Pag-akyat sa langit, sinabi ni Hesus sa kanyang mga disipulo: “Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama” [Lu
24:49]. Ito ay naganap sa araw ng Pentekostes habang sila ay nagkakatipon sa
Silid sa Itaas kasama ang Birheng Maria. Ang pagbubuhos ng Espiritu Santo sa
nagsisimulang Simbahan ay ang katuparan ng pangakong ginawa noong sinauna ng
Diyos, ipinaalam at inihanda sa buong panahong itinagal ng Lumang Tipan.
Sa katunayan, mula sa pagbubukas nito, ipinapakita ng Biblia ang espiritu ng
Diyos bilang hangin na “kumikilos sa ibabaw ng tubig” [cf. Gen 1:2].
Sinasabi nito na hinipan ng Diyos ang ilong ng tao ng hininga ng buhay [cf. Gen
2:7], at sa gayon ay pinuspos siya ng buhay. Pagkatapos ng kasalanang mana, ang
nagbibigay-buhay na espiritu ng Diyos ay mamamalas sa kasaysayan ng
sangkatauhan, tumatawag ng mga propeta upang hikayatin ang piniling sambayanan
na manumbalik sa Diyos at tumalima nang tapat sa kanyang mga utos. Sa kilalang
pangitain ng propeta Ezekiel, pinanumbalik ng Diyos, kasama ang kanyang
espiritu, ang buhay sa sambayanan ng Israel, na sinasagisag ng mga “tuyong buto”
[cf. 37:1-14]. Hinulaan ni Joel ang isang “pagbubuhos ng espiritu” sa lahat ng
mga tao, nang walang isinasantabing sinuman. Isinulat ng may-akdang banal: “Pagkatapos nito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa lahat ng tao… Sa panahong iyan, ibubuhos ko ang aking espiritu pati sa mga alipin, lalaki't babae” [3:1-2].
Sa “kaganapan ng panahon” [cf. Ga 4:4], ipinahayag ng anghel ng Panginoon
sa Birhen ng Nasaret na ang Espiritu Santo, “ang kapangyarihan ng
Kataas-taasan”, ay pupunta sa kanya at lililiman siya. Ang sanggol na ipanganganak ay banal at tatawaging Anak ng Diyos [cf. Lu
1:35]. Sa mga salita ng propeta Isaias, ang Mesiyas ang siyang hihimlayan ng
Espiritu ng Panginoon [cf. 11:1-2; 42:1]. Ito ang hula na muling dinala ni Hesus sa simula ng kanyang ministeryong publiko
sa sinagoga sa Nasaret. Sa pagkamangha ng mga naroroon, sinabi niya: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang mabuting
balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila’y lalaya at sa mga
bulag na sila’y makakakita, upang palayain ang mga inaapi, upang ipahayag na darating na ang panahon
ng pagliligtas ng Panginoon” [Lu 4:18-19; cf. Is 61:1-2]. Kausap yaong
mga naroroon, tinukoy niya ang mga hulang-salitang iyon sa kanyang sarili sa
pagsasabing: “Natupad ngayon ang Kasulatang ito samantalang nakikinig kayo” [Lu
4:21]. Muli, bago ang kanyang pagkamatay sa Krus, sasabihin niya nang makailang
beses sa kanyang mga disipulo ang tungkol sa pagdating ng Espiritu Santo, ang
“Tagapagtanggol” na ang misyon ay magbigay saksi sa kanya at tulungan ang mga
sumasampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila at paggabay sa kanila
tungo sa kaganapan ng Katotohanan [cf. Jn 14:16-17, 25-26; 15:26; 16:13].
3. Pentekostes, ang pinagmulan ng paghayo para sa misyon ng Simbahan
Noong gabi ng araw ng muling pagkabuhay, nagpakita si Hesus sa kanyang mga
disipulo, “sila’y hiningahan niya at sinabi, ‘Tanggapin ninyo ang Espiritu
Santo” [Jn 20:22]. Taglay ang higit na kapangyarihan nanaog ang Espiritu Santo sa mga Apostoles
noong araw ng Pentekostes. Ating nababasa sa Gawa ng mga Apostoles: “At biglang
narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at
napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang
apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila” [2:2-3].
Pinagpanibago ng Espiritu Santo ang mga Apostoles mula sa loob, pinuspos sila ng
kapangyarihan na magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na humayo at ipahayag
nang buong tapang na “Si Kristo ay namatay at muling nabuhay!” Pinalaya
mula sa lahat ng takot, nagsimula silang hayagang magsalita nang may tiwala
sa sarili [cf. Gw 2:29, 4:13, 4:29,31]. Itong mga nahintakutang
mangingisda ay naging mga matatapang na tagapaghayag ng Ebanghelyo. Kahit ang
kanilang mga kaaway ay hindi maunawaan kung paanong “ang mga mangmang at mga
karaniwang tao” [cf. Gw 4:13] ay makapagpapamalas ng ganoong tapang at
matatagalan ang mga paghihirap, pagdurusa at pag-uusig nang may galak. Walang
makapipigil sa kanila. Sa mga sumubok na patahimikan sila, sila ay tumugon:
“Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita’t narinig” [Gw 4:20].
Sa ganitong paraan isinilang ang Simbahan, at mula noong araw ng Pentekostes
hindi siya tumigil sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita “hanggang sa dulo ng
daigdig” [Gw 1:8].
4. Ang Espiritu Santo, kaluluwa ng Simbahan at prinsipyo ng pakikipag-isa
Kung ating uunawain ang misyon ng Simbahan, kailangan nating bumalik sa Silid sa
Itaas kung saan ang mga disipulo ay nanatiling magkakasama [cf. Lu
24:49], nananalangin kasama si Maria, ang “Ina”, hinihintay ang Espiritu na
ipinangako. Ang larawang ito ng nagsisimulang Simbahan ay dapat maging patuloy
na bukal ng inspirasyon para sa bawat sambayanang Kristiyano. Ang
pagkamabungang apostoliko at misyonero ay hindi pangunahin dahil sa mga programa
at pamamaraang pastoral na buong kakayahan at talinong ginawa, subalit ito ay
resulta ng patuloy na pananalangin ng sambayanan (cf. Evangelii Nuntiandi,
75). Bukod dito, upang maging epektibo ang misyon, ang sambayanan ay dapat
nagkakaisa, iyon ay, sila ay dapat “iisang puso at diwa” [cf. Gw 4:32],
at sila ay dapat handang magbigay-saksi sa pag-ibig at galak na ipinupunla ng
Espiritu Santo sa mga puso ng mga mananampalataya. Ang Lingkod ng Diyos Juan
Pablo II ay sumulat na, bago pa man ang pagkilos, ang misyon ng Simbahan ay
magbigay-saksi at mabuhay sa paraang nagniningning sa iba (cf. Redemptoris
Missio, 26). Sinasabi sa atin ni Tertullian na ito ang nangyari noong mga
unang panahon ng Kristiyanismo kung kailan nagbagong-loob ang mga pagano sa
kanilang pagkamalas sa pag-ibig na naghahari sa mga Kristiyano: “Tingnan kung
paano sila nagmamahalan” (cf. Apology, 39 § 7).
Upang tapusin ang munting pagsusuring ito ng Salita ng Diyos sa Bibliya,
inaanyayahan ko kayo na pagmasdan kung paanong ang Espiritu Santo ang
pinakamataas na handog ng Diyos sa sangkatauhan, at samakatuwid ang sukdulang
pagpapatunay ng kanyang pag-ibig para sa atin, isang pag-ibig na ipinahahayag
bilang “pag-ayon sa buhay” na niloloob ng Diyos para sa bawat niyang nilalang.
Itong “pag-ayon sa buhay” ay naging ganap kay Hesus ng Nasaret at sa kanyang
tagumpay laban sa kasamaan sa pamamagitan ng kanyang pagtutubos. Sa puntong
ito, kailanman ay huwag nating kalilimutan na ang Ebanghelyo ni Hesus, nang
dahil mismo sa Espiritu, ay hindi maaaring ibaba sa pagiging isang paglalahad
lamang ng katotohan, sapagkat ito ay nilalayon upang maging “mabuting balita
para sa mahihirap, kalayaan para sa mga bihag, paningin para sa mga bulag…”.
Kasama ang anong dakilang kasiglahan nakita ito sa araw ng Pentekostes, habang
ito ang naging grasya at gawain ng Simbahan para sa mundo, ang kanyang
pangunahing misyon!
Tayo ang mga bunga ng misyong ito ng Simbahan sa pamamagitan ng gawain ng
Espiritu Santo. Dala-dala natin sa ating mga kalooban ang tanda ng pag-ibig ng Ama kay
Hesukristo na ang Espiritu Santo. Kailanman ay huwag natin itong kalilimutan,
sapagkat inaalala tuwina ng Espiritu ng Panginoon ang bawat isa, at ninanais,
lalo na sa pamamagitan ninyong mga kabataan, na lumikha ng hangin at apoy ng
isang bagong Pentekostes sa daigidig.
5. Ang Espiritu Santo bilang “Guro ng buhay-loob”
Minamahal kong mga kaibigang kabataan, ang Espiritu Santo ay patuloy ngayong
kumikilos nang may kapangyarihan sa Simbahan, at ang mga bunga ng Espiritu ay
sagana ayon sa ating pagiging handa na maging bukas sa kapangyarihang ito na
nagpapabago ng lahat. Sa ganitong kadahilanan mahalaga na kilala ng bawat isa
sa atin ang Espiritu, magtatag ng isang ugnayan sa Kanya at hayaan ang ating mga
sarili na gabayan Niya. Subalit sa puntong ito, isang tanong ang likas na
lilitaw: sino ang Espiritu Santo para sa akin? Isang katotohanan na para sa
maraming mga Kristiyano, Siya pa rin ang “dakilang di-kilala”. Kaya naman,
habang naghahanda tayo para sa susunod na Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan,
ninais kong anyayahan kayo na makilala ang Espiritu Santo nang mas malalim sa
isang personal na antas. Sa ating pagpapahayag ng pananampalataya ating
binibigkas: “Sumasampalataya ako sa Espiritu Santo, ang Panginoon at
tagapagbigay ng buhay, na nanggagaling sa Ama at sa Anak” (Kredong
Nicene-Constantinopolitano). Oo, ang Espiritu Santo, ang Espiritu ng
pag-ibig ng Ama at ng Anak, ay ang Bukal ng buhay na nagpapabanal sa atin, “sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan
ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin” [Ro 5:5]. Gayunpaman,
hindi sapat na makilala ang Espiritu; kailangan natin siyang tanggapin bilang
gabay ng ating mga kaluluwa, bilang “Guro ng buhay-loob” na siyang nagpapakilala
sa atin sa Misteryo ng Banal na Santatlo, sapagkat Siya lamang ang
makapagbubukas sa atin sa pananampalataya at magpapahintulot sa ating isabuhay
ito nang ganap sa bawat araw. Ang Espiritu ang nagbubunsod sa atin patungo sa
iba, nagpapaningas sa atin ng apoy ng pag-ibig, ginagawa tayong mga misyonero ng
pag-ibig ng Diyos.
Lubos kong nalalamang taglay ninyong mga kabataan sa inyong mga puso ang
dakilang pagpapahalaga at pagmamahal para kay Hesus, at ninanais ninyong Siya ay
makita at makausap. Tunay nga, alalahanin ninyo na ang mismong presensiya ng
Espiritu sa atinng kalooban ang siyang nagpapatibay, bumubuo at gumagawa sa
ating pagkatao sa mismong Persona ni Hesus na ipinako sa krus at muling
nabuhay. Kung kaya’t maging pamilyar tayo sa Espiritu Santo upang tayo ay maging pamilyar
kay Hesus.
6. Ang mga Sakramento ng Kumpil at Eukaristiya
Marahil itatanong ninyo, paano namin hahayaan ang aming mga sarili na
pagpanibaguhin ng Espiritu Santo at lumago sa buhay espirituwal? Ang sagot,
gaya ng alam ninyo, ay ito: magagawa natin ang mga ito sa pamamagitan ng mga
Sakramento, sapagkat ang pananampalataya ay ipinapanganak at pinapagtibay sa
atin sa pamamagitan ng mga Sakramento, katangi-tangi yaong patungkol sa
Kristiyanong pagtanggap: Binyag, Kumpil at ang Eukaristiya, na nagpupuno sa
isa’t isa at hindi mapaghihiwalay (cf. Katesismo ng Simbahang Katolika,
1285). Ang katotohanang ito tungkol sa tatlong Sakramentong nagpapasimula sa
ating buhay bilang mga Kristiyano ay marahil napapabayaan na sa
buhay-pananampalataya ng maraming Kristiyano. Tinitingnan nila ang mga ito
bilang mga pangyayaring naganap sa nakaraan at walang tunay na kahulugan para sa
kasalukuyan, na tila ba mga ugat na walang pinagkukunan ng buhay. Nangyayari na
maraming mga kabataan ang lumalayo sa kanilang buhay-pananampalataya pagkatapos
nilang matanggap ang Kumpil. Mayroon ding mga kabataan na hindi pa natatanggap
ang sakramentong ito. Subalit sa pamamagitan ng mga sakramento ng Binyag,
Kumpil at, sa isang patuloy na paraan, ang Eukaristiya, tayo ay ginagawa ng
Espiritu Santo na mga anak ng Ama, mga kapatid ni Hesus, mga kasapi ng kanyang
Simbahan, may kakayahang maging tunay na saksi sa Ebanghelyo, at may kakayahang
namnamin ang kagalakan ng pananampalataya.
Kaya nga’t inaanyayahan ko kayong magnilay sa aking isinusulat sa inyo. Sa
panahong ito kailangang tuklasin muli ang sakramento ng Kumpil at ang mahalagang
bahagi nito sa ating paglagong espirituwal. Yaong mga tumanggap sa mga
sakramento ng Binyag at Kumpil ay dapat na laging tandaan na sila ay naging “mga
templo ng Espritu”: nananahan ang Diyos sa kanila. Lagi ninyo itong alalahanin
at pagsikapang pahintulutan na ang kayamanang nasa inyong kalooban ay magbunga
ng kabanalan. Yaong mga nabinyagan subalit hindi pa nakukumpilan, paghandaan
ninyo ang pagtanggap sa sakramentong ito nang may kaalaman na sa paraang ito
kayo ay magiging mga “ganap” na Kristiyano, yayamang pinagaganap ng Kumpil ang
biyaya ng Binyag (cf. Katesismo ng Simbahang Katolika, 1302-1304).
Binibigyan tayo ng Kumpil ng natatanging lakas upang magbigay-saksi sa at
luwalhatian ang Diyos ng buo nating buhay [cf. Ro 12:1]. Ginagawa tayo
nitong may matalik na kamalayan tungkol sa ating pagkabilang sa Simbahan, ang
“Katawan ni Kristo”, kung saan tayong lahat ay mga buhay na bahagi, na may
malasakit sa bawat isa [cf. 1 Cor 12:12-25]. Sa pagpayag na sila ay
gabayan ng Espiritu, naihahandog ng bawat binyagan ang kani-kaniyang ambag sa
pagtatayo ng Simbahan dahil sa mga karisma na bigay ng Espiritu, sapagkat
“ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang
Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat” [1 Cor 12:7]. Kapag
kumikilos ang Espiritu, dinadala niya ang kaniyang mga bunga sa kaluluwa, at ang
mga ito ay “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan,
katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” [Ga 5:22]. Sa inyo na
hindi pa nakatatanggap ng sakramento ng Kumpil, taos-puso ko kayong
inaanyayahang maghanda upang tanggapin ito, at humingi ng tulong mula sa inyong
mga pari. Ito ay isang natatanging okasyon ng biyaya na iniaalok sa inyo ng
Panginoon. Huwag palampasin ang pagkakataong ito!
Nais kong magdagdag ng ilang salita tungkol sa Eukaristiya. Upang lumago sa
ating buhay Kristiyano, kailangan tayong buhayin ng Katawan at Dugo ni Kristo.
Sa katunayan, tayo ay binyagan at kumpirmado nang may pagtanaw sa Eukaristiya
(cf. Katesismo ng Simbahang Katolika, 1322; Sacramentum Caritatis,
17). “Pinagmulan at taluktok” ng buhay ng Simbahan, ang Eukaristiya ay isang
“palagiang Pentekostes” sapagkat sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Misa,
tinatanggap natin ang Espiritu Santo na siyang nag-uugnay sa atin nang mas
malalim kay Kristo at nagbabago sa atin patungo sa Kanya. Minamahal kong mga
kaibigang kabataan, kung palagi kayong nakikibahagi sa eukaristikong
pagdiriwang, kung nagtatalaga kayo ng ilang panahon ninyo sa pagsamba sa Banal
na Sakramento, ang Eukaristiya na siyang Bukal ng pag-ibig, matatamo ninyo ang
masayang determinasyon na italaga ang inyong mga buhay sa pagsunod sa
Ebanghelyo. Gayundin, mararanasan ninyo na sa tuwing ang ating lakas ay hindi
sapat, ang Espiritu Santo ang siyang nagpapababago sa atin, pinupuno tayo ng
kanyang lakas at ginagawa tayong mga saksing puno ng simbuyong-misyonero ni
Kristong muling nabuhay.
7. Ang masidhing pangangailangan ng misyon
Tinatanaw ng maraming kabataanang kanilang buhay nang may agam-agam at nagtataas
ng napakaraming mga katanungan ukol sa kanilang kinabukasan. Kanilang tinatanong nang may pagkabahala: Paano tayo mabubuhay sa isang mundong
nababahiran ng napakalubhang kawalan ng katarungan at napakaraming pagdurusa? Paano tayo tutugon sa kasakiman at karahasan na minsan ay tila nananaig? Paano
natin mabibigyan ng ganap na kahulugan ang buhay? Paano tayo makakatulong upang
ang mga bunga ng Espiritu na isinaad sa taas, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan,
katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili” (bilang 6), ay pumuno sa sugatan at
marupok na mundong ito, ang mundo ng mga kabataan higit sa lahat? Sa anu-ano
kayang mga kalagayan magiging “bagong kaluluwa” ng sangkatauhan ang Espiritu ng
unang paglikha at lalo na ng ikalawang paglikha o pagtubos? Huwag nating
kalilimutan na kung higit ang kadakilaang handog ng Diyos – at ang biyaya ng
Espiritu ni Hesus ang pinakadakila sa lahat – lalo’t higit ang pangangailangan
ng mundo na matanggap ito, at kaya naman mas malawak at mas nakatutuwa ang
misyon ng Simbahan na magbigay ng kapani-paniwalang pagsaksi rito. Kayong mga kabataan, sa pamamagitan ng Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, ay
naghahayag ng inyong kagustuhang makilahok sa misyong ito. Sa puntong ito,
mahal kong mga kaibigang kabataan, ibig ko kayong paalalahanan dito ng ilang
katotohanan upang pagnilayan. Muli kong inuulit na tanging si Kristo lamang ang
makapupuno ng mga napakarubdob na adhikain na nasa puso ng bawat tao. Tanging si Kristo lamang ang may kakayahang gawing ganap ang pagkatao ng
sangkatauhan at akayin ito sa “pagkadiyos”. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng
kanyang Espiritu itinatanim niya sa ating kalooban ang maka-Diyos na pag-ibig,
at ito ang nagbibigay sa atin ng kakayahan na mahalin ang ating kapwa at handang
maglingkod. Tayo ay nililiwanagan ng Espiritu Santo, ipinahahayag si Kristong
ipinako at nabuhay na mag-uli, at ipinapakita sa atin kung paanong mas maging
kawangis Niya nang sa gayon tayo ay maging “kawangis at kasangkapan ng
pagmamahal na dumadaloy mula kay Kristo” (Deus Caritas Est, 33). Silang
nagpapahintulot na akayin ng Espiritu ay naiintindihan na ang paglalagak ng
sarili sa paglilingkod sa Ebanghelyo ay hindi isang palamuti, dahil sila ay may
kamalayan tungkol sa mahigpit na pangangailangang maibahagi ang Mabuting
Balitang ito sa iba. Gayunpaman, kailangan tayong muling paalalahanan na maari
lamang tayong maging mga saksi ni Kristo kung pinahihintulutan natin ang ating
mga sarili na akayin ng Espiritu Santo na siyang “pangunahing kinatawan ng
ebanghelisasyon” (cf. Evangelii Nuntiandi, 75) at “ang pangunahing kinatawanng misyon” (cf. Redemptoris Missio, 12). Minamahal kong mga kaibigang
kabataan, tulad ng winika ng mga kagalang-galang na sinundan kong sina Pablo VI
at Juan Pablo II sa maraming okasyon, ang pagpapahayag ng Ebanghelyo at
pagbibigay-saksi sa pananampalataya ay mas kailangan higit sa kailanpaman ngayon
(cf. Redemptoris Missio, 1). Mayroong mga nag-iisip na upang itanghal
ang mahalagang yaman ng pananampalataya sa mga taong hindi nakikibahagi rito ay
katumbas ng kawalan ng pag-alintana sa kanila, subalit hindi ito ang kaso,
sapagkat ang pagtatanghal kay Kristo ay hindi sa pagpataw sa Kanya (cf.
Evangelii Nuntiandi, 80). Bukod diyan, dalawang libong taon ang nakalipas
labindalawang Apostoles ang nag-alay ng kanilang buhay upang si Kristo ay
makilala at mahalin. Sa lahat ng siglo mula noon, ang Ebanghelyo ay patuloy na
lumaganap sa pamamagitan ng mga lalaki at babaeng kinasihan ng parehong
simbuyong-misyonero. Ngayon din mayroong pangangailangan para sa mga disipulo ni Kristo na
nagbibigay nang walang pag-iimbot ng kanilang oras at lakas upang paglingkuran
ang Ebanghelyo. Mayroong pangangailangan para sa mga kabataan na magbibigay
pahintulot sa pagmamahal ng Diyos na mag-alab sa kanilang kalooban at
bukas-palad na tutugon sa kanyang masidhing pagtawag, katulad ng ginawa ng mga
kabataang pinagpala at santo noong nakaraan at maging sa di malayong panahon.
Lalo na, tinitiyak ko sa inyo na inaanyayahan kayong mga kabataan ng Espiritu ni
Hesus na maging tagapaghatid ng mabuting balita ni Hesus sa inyong mga
ka-panahon. Ang hirap na walang dudang nakikita ng mga nakatatanda sa paglapit
sa mundo ng kabataan sa isang paraan na nauunawaan at kapani-paniwala ay marahil
isang tanda na gamit ng Espiritu upang himukin kayong mga kabataan na isabalikat
ang gawaing ito. Alam ninyo ang mga huwaran, ang pananalita, at pati ang mga
sugat, ang mga inaasahan, at kasama na rin ang hangarin para sa kabutihan na
nadarama ng inyong mga ka-panahon. Ito ang nagbubukas ng napakalawak na mundo
ng damdamin, trabaho, edukasyon, mga inaasahan, at pagdurusa ng mga kabataan...
Ang bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng lakas ng loob na mangako sa Espiritu
Santo na magdadala kayo ng isang kabataan kay Hesukristo sa paraang tinuturing
ninyong pinakamainam, maunawaan kung paano “magpaliwanag sa sinumang magtatanong
sa inyo tyungkol sa inyong pag-asa, ngunit gawin ito nang mahinahon at
mapitagan” [cf. 1 Ped 3:15].
Upang makamit ang adhikaing ito, mga minamahal kong kaibigan, dapat kayong
maging banal at maging mga misyonero sapagkat hindi natin maihihiwalay ang
kabanalan sa misyon (cf. Redemptoris Missio, 90). Huwag
kayong matakot na maging mga banal na misyonero katulad ni San Francisco Javier
na naglakbay sa Malayong Silangan nang ipinapahayag ang Mabuting Balita hanggang
sa maubos ang kanyang huling lakas, o katulad ni Santa Teresa ng Niņo Hesus na
isang misyonera bagama’t hindi siya umalis ng kumbento ng Carmelo. Sila ay
parehong “mga Patron ng mga Misyon”. Maging handa kayong ilagay sa bingit ang
inyong buhay upang liwanagan ang mundo ng katotohanan ni Kristo; tumugon nang
may pagmamahal sa pagkapoot at pagsasawalang-halaga sa buhay; ipahayag ang
pag-asa ni Kristong muling nabuhay sa bawat sulok ng daigdig.
8. Pagtawag para sa isang “bagong Pentekostes” sa daigdig
Minamahal kong mga kaibigang kabataan, umaasa akong makita ang napakarami sa
inyo sa Sydney sa Hulyo 2008. Ito ay magiging isang itinadhanang pagkakataon
upang maranasan ang kaganapan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Dumating kayo
sa malalaking bilang upang maging isang tanda ng pag-asa at upang magbigay ng
malugod na suporta sa Simbahan sa Australia na naghahanda upang salubungin
kayo. Para sa mga kabataan ng bansang sasalubong sa inyo, ito ay magiging isang
bukod-tanging pagkakataon upang ipahayag ang kagandahan at galak ng Ebanghelyo
sa isang lipunang sekular sa maraming paraan. Kailangang matuklasang muli ng
Australia, gaya ng buong Oceania, ang kanilang kinaugatang Kristiyano. Sa
Post-Synodal Apostolic Exhortation Ecclesia in Oceania, sinulat ni Papa
Juan Pablo II: “Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang Simbahan
sa Oceania ay naghahanda para sa isang bagong ebanghelisasyon ng mga sambayanang
sa kasalukuyan ay gutom para kay Kristo… Isang bagong ebanghelisasyon ang
pangunahing prayoridad para Simbahan sa Oceania” (bilang 18).
Kayo ay aking inaanyayahan na magbigay ng panahon sa panalangin at sa inyong
espiritwal na paghuhubog sa huling yugtong ito ng paglalakbay patungo sa XXIII
Pandaigdigang Araw ng mga Kabataan, upang sa Sydney ay mapagpapanibago ninyo ang
mga pangakong inyong ginawa sa inyong Binyag at Kumpil. Sama-sama nating
tatawagin ang Espiritu Santo, buong tiwalang hihilingin sa Diyos ang biyaya ng
isang bagong Pentekostes para sa Simbahan at para sa sangkatauhan sa ikatlong
milenyo.
Sa mga buwang ito, nawa’y samahan kayo ni Maria, kaisa sa panalangin ng mga
Apostoles sa Silid sa Itaas, at hingin para sa lahat ng mga kabataang Kristiyano
ang isang bagong pagbuhos ng Espiritu Santo upang pagningasin ang kanilang mga
puso. Tandaan: may pagtitiwala ang Simbahan sa inyo! Kaming mga Pastol, lalo
na, ay nananalangin na kayo nawa ay magmahal at gumabay sa iba upang mahalin si
Hesus nang higit pa at sundan nawa ninyo Siya nang buong-katapatan. Sa ganitong damdamin, kayo ay aking binabasbasan nang may taos-pusong pagmamahal.
Mula sa Lorenzago, 20 Hulyo 2007
BENEDICTO PP. XVI
|